Arestado ang isang High Value Individual (HVI) na babae ng mga tauhan ng Taguig City Police Station sa ikinasang buy-bust operation na isinagawa dakong 11:55 ng gabi noong Mayo 23, 2025 sa Barangay Sta. Ana, Taguig City.
Kinilala ni Police Colonel Rodel A. Pastor, Officer-In-Charge ng Taguig CPS, ang suspek na si alyas “Catherine,” 30 taong gulang, walang trabaho, at residente ng Barangay Hagonoy, Taguig City.
Ang suspek ay naaresto ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) dahil sa paglabag sa Sections 5 at 11, Article II ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.”
Nasamsam sa nasabing operasyon ang 67.1 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php456,280, at 25 gramo ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga naman ng Php37,500, Php500 bill na buy-bust money, ilang piraso ng boodle money, drug paraphernalia, at isang puting Honda Click na motorsiklo.
Ang kabuuang halaga ng nasamsam na ilegal na droga ay tinatayang Php493,780.
Pinuri naman ni PBGen Joseph R. Arguelles, Acting District Director ng Southern Police District (SPD), ang tagumpay ng operasyon, anya, “Ang matagumpay na operasyon na ito ay bunga ng maayos na koordinasyon, tamang impormasyon, at mabilis na aksyon ng ating mga tauhan. Ang pagkakaaresto sa isang bagong HVI at ang malaking halaga ng droga na ating nasamsam ay isang malaking hakbang sa kampanya kontra ilegal na droga. Binabati ko ang ating mga operatiba sa kanilang propesyonalismo at dedikasyon sa serbisyo.”
Source: SPD PIO
Panulat ni PMSg Remelin M Gargantos