Personal na binisita ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil ang Police Regional Offices (PROs) 1 at 3 noong ika-22 ng Mayo 2025 upang tiyakin ang kahandaan ng mga kapulisan sa pagpapatupad ng batas at pagpapaigting sa seguridad ng mga komunidad.
Sa umaga, nagtungo si PGen Marbil sa Mapandan, Pangasinan sa Rehiyon 1 upang inspeksyunin ang kasalukuyang mga operasyon para sa police visibility at suriin ang kahusayan sa paggamit ng makabagong teknolohiya gaya ng body-worn camera. Pagkatapos ng opisyal na gawain, dumalaw rin siya sa burol ng pamilya ng isang pulis sa Poblacion, Mapandan upang makiramay sa panahon ng matinding pagdadalamhati.


Bandang alas-dos ng hapon, nagtungo naman ang Hepe sa Camp Olivas, Lungsod ng San Fernando, Pampanga sa Rehiyon 3, kung saan sinalubong siya ni PRO3 Regional Director, Police Brigadier General Jean S. Fajardo. Magkasama silang bumisita sa PRO3 Command Center upang suriin ang situational updates at pag-aralan ang mga istratehiyang ipinatutupad ng rehiyon para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan.
Binigyang-pugay ni PGen Marbil ang kahandaan ng dalawang PROs upang panatilihin ang kapayapaan sa kani-kanilang areas of jurisdiction. Aniya, “Nagsisimula ang seguridad ng bawat pamilyang Pilipino sa ating kahandaang kumilos, sa ating presensya sa lansangan, at sa ating katapatan sa paglilingkod.”
Ang magkakasunod na pagbisitang ito ay sumasalamin sa masigasig na hakbang ng PNP sa ilalim ng adhikain ng “Bagong Pilipinas”—sa pagtatatag ng isang Mahusay, Matatag, at Maaasahan na Kapulisan—isang makabagong pulisyang Pilipino para sa isang makabagong lipunang Pilipino.