Nakiisa ang Police Regional Office MIMAROPA sa taunang PNP-Wide Inspection ng Disaster Response Equipment sa pamumuno ni Police Brigadier General Roger L. Quesada, Regional Director, na ginanap sa PRO MIMAROPA Parade Ground, Camp BGen Efigenio C. Navarro, Barangay Suqui, Calapan City, Oriental Mindoro nito lamang ika-21 ng Mayo 2025.
Pinangunahan ang nasabing aktibidad ng Hepe ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas (PNP), si Police General Rommel Francisco D. Marbil, katuwang ang iba’t ibang regional offices sa buong bansa.
Layunin ng taunang inspeksyon na tiyakin ang kahandaan ng lahat ng yunit ng PNP sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad, at upang masuri ang kanilang kakayahang tumugon nang mabilis at epektibo sa mga emerhensiya.
Ipinamalas ng PRO MIMAROPA ang kanilang mga kagamitan para sa disaster response, mga sasakyang pang-rescue, at ang kasanayan ng kanilang mga tauhan sa pagharap sa iba’t ibang senaryo ng kalamidad. Ipinakita rin dito ang patuloy na pagsisikap ng rehiyon na palakasin ang kakayahan sa pagtugon sa mga sakuna at ang kanilang dedikasyon sa kaligtasan ng publiko.
Ayon kay PBGen Quesada, ang aktibidad ay isang mahalagang hakbang upang mapalakas ang kahandaan ng kapulisan sa rehiyon, alinsunod sa direktiba ng pambansang pamunuan ng PNP. Nagpasalamat din siya kay PGen Marbil sa kanyang suporta at pamumuno sa pagpapaigting ng disaster preparedness ng organisasyon.
Ang taunang inspeksyon ay hindi lamang pagsusuri ng kagamitan, kundi isang patunay ng pagkakaisa at pagtutulungan ng buong kapulisan sa layuning mapanatili ang kaligtasan at kapakanan ng mamamayan lalo na sa panahon ng sakuna.
Source: PRO MIMAROPA
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadana