Ipinasara ng kapulisan ang nasa 15 ilegal na pagawaan ng baril sa isang malawakang operasyon na isinagawa sa Danao City, Cebu noong Martes, Mayo 20, 2025.
Ang operasyon ay isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng Regional Mobile Force Battalion 7 (RMFB7) at Danao City Police Station matapos ang halos dalawang buwang surveillance at pangangalap ng impormasyon hinggil sa talamak na ilegal na paggawa ng baril sa lungsod.
Sa kabuuan, walong suspek ang naaresto habang isang indibidwal ang kusang loob na sumuko sa mga awtoridad.

Nasamsam mula sa operasyon ang 10 makeshift shanties na ginagamit bilang tagong pagawaan, 10 lathe machines, mga hindi pa tapos na bahagi ng baril kabilang ang dalawang lower receivers, tatlong upper receivers, at tatlong barrels, isang grinder, bench vice, at welding machine, framed hacksaw, assorted steel files, drill bits, at sawdust, at iba’t ibang uri ng firearm magazines.
Ayon kay PRO7 Regional Director Police Brigadier General Redrico Maranan, ang sabay-sabay na pagpapasara at pagsira sa 15 ilegal na gun-making sites ay bahagi ng kanilang malawakang kampanya laban sa mga armadong grupo, drug syndicates, at iba pang kriminal na organisasyon na umaasa sa ganitong klase ng operasyon upang makakuha ng armas.
Dagdag pa niya, ang mga iligal na pagawaan ng baril na ito ay nagsisilbing tagapagtustos ng armas sa mga kriminal, rebelde, at terorista at hindi niya hahayaan na magpatuloy ang ganitong aktibidad sa nasasakupang rehiyon. Patuloy ang isinasagawang mga hakbang upang tuluyang wakasan ang mga ganitong operasyon na nagdudulot ng banta sa seguridad ng mga mamamayan sa Central Visayas.
Patuloy ang malawakang intelligence operations at law enforcement efforts ng mga kapulisan upang tuluyang mawala ang ilegal na produksyon ng baril at mapanatili ang seguridad ng publiko.