Isang matagumpay na misyon na maituturing ang Halalan 2025, ayon kay PNP Chief, Police General Rommel Francisco D Marbil kasunod ng pormal na pagtatapos ng NLE 2025 nitong May 12, 2025.
Bagaman at mayroong iilang insidente na naiulat sa ilang bahagi ng bansa, matagumpay pa ring naidaos ang halalan sa buong bansa. Bahagi ng naturang tagumpay ang pagdeploy ng PNP ng tinatayang nasa 163,000 personnel na ipinakalat sa buong kapuluan — mula panahon ng kampanya hanggang sa araw ng botohan.
Nakapagsagawa ang PNP ng 862,827 checkpoint operations sa panahon ng halalan, na nagresulta sa 72% na pagtaas ng bilang ng mga nahuling lumabag sa gun ban. Umabot din sa 3,229 baril ang nakumpiska — halos 54% na mas mataas kumpara noong 2023 elections. Bukod dito, 74 lamang ang naitalang election-related incidents, 29% na mas mababa kaysa sa nakaraang Barangay at SK Elections.
“Hindi man naging madali ang halalang ito, ngunit sa pangkalahatan, ito ay naging mapayapa, maayos, at matagumpay,” ayon kay PNP Chief, PGen Rommel Francisco D. Marbil.
“Ginampanan ng ating mga pulis ang kanilang tungkulin nang buong husay at dedikasyon. Nanindigan silang manatiling walang kinikilingan at propesyonal — at pinatunayan nila ito. Nakaboto ang taumbayan, nagpatuloy ang proseso, at nanaig ang demokrasya,” dagdag pa niya.
“Ang pananagutan ay bahagi ng aming tungkulin, ngunit bahagi rin nito ang pagkilala sa sakripisyo at pagsisikap ng ating hanay. Dapat nating matutunang tingnan ang kabuuang larawan sa mas malawak na perspektibo at magpatuloy sa ating misyon nang mas matatag,” ani Chief PNP.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. binigyang-diin ng PNP ang pakikipagtungan sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan, kasama ang Commission on Elections (COMELEC), Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine Coast Guard (PCG), at iba pang katuwang sa seguridad upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa katatapos lamang na midterm elections.
Habang paunti-unti ng bumabalik ang karamihan ng ating kapulisan sa kanilang regular na tungkulin— gaya ng pagpigil sa krimen, pakikilahok sa komunidad, at pagbibigay ng kaligtasan sa publiko — dala pa rin nito ang parehong antas ng dedikasyon na ipinamalas noong halalan.
“Walang halalan na walang hamon. Ngunit sa pamamagitan ng tamang paghahanda, pagtitiyaga, at pagtutulungan, natupad ang ating layunin. Natuloy ang proseso. Nanatiling matatag ang demokrasya. Tinupad ng PNP ang kanilang tungkulin. Misyong natapos at napagtagumpayan para sa bayan,” pagtatapos ni Chief PNP Marbil.