Naaresto ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) ang isang indibidwal sa ikinasang buy-bust operation bandang 6:45 ng umaga ng Mayo 16, 2025 sa Elpidio Pacheco Street, Barangay Punturin, Valenzuela City.
Kinilala ni Police Brigadier General Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District, ang suspek na si alyas “Alfred,” 39 anyos, lalaki, may asawa, at residente ng Barangay Bignay, Valenzuela City.
Nadakip si alyas “Alfred” ng mga tauhan ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng NPD katuwang ang mga tauhan ng Sub-Station 7 ng Valenzuela City Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Nasamsam mula sa suspek ang ilang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may bigat na 15 gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang Php102,000 batay sa Standard Drug Price.
Kasong paglabag sa Seksyon 5 (Pagbebenta) at Seksyon 11 (Pag-iingat) ng Artikulo II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang isasampa laban sa nasabing suspek.
“Ang maagap na pagkakaaresto sa suspek ay patunay ng ating determinasyon na tuldukan ang problema ng ilegal na droga sa CAMANAVA. Hindi tayo titigil hangga’t hindi natin napoprotektahan ang bawat mamamayan laban sa banta ng droga,” ani PBGen Ligan.
Source: NPD PIO