Tiklo ang dalawang (2) suspek sa madugong buy-bust operation na nagresulta sa pagkakasamsam ng tinatayang Php103,360 halaga ng shabu, iba’t ibang baril at mga bala sa Barangay Lourdes, Valencia City, Bukidnon nito lamang Mayo 16, 2025.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Bryan M Panganiban, Chief of Police ng Valencia City Police Station, nakatakas ang pangunahing target ng operasyon na si alyas “Ikoy” nang natunugan na pulis ang kanyang ka-transaksyon. Agad nitong pinaputukan ang undercover na pulis gamit ang shotgun at swerteng naka-ilag.
Agad namang sumaklolo ang dalawang kasamahan ni alyas “Ikoy” na nasa kalapit bahay at agad pinaputukan ang mga otoridad dahilan na gumanti ng putok at natamaan sa kaliwang binti si alyas “Rando”, 38 anyos habang nagtamo ng sugat sa noo si alyas “Rickie”, 34 anyos.
Nasamsam ng mga awtoridad ang 15.2 gramo ng shabu na may Standard Price na Php103,360, isang (1) unit ng improvised 12-gauge shotgun, tatlong (3) pirasong 12-gauge shot shells; isang (1) 12-gauge steel magazine; isang (1) unit ng improvised 9mm UZI; apat (4) na 9mm cartridges; tatlong (3) 9mm caliber bullet bases at isang (1) unit. ng 9mm steel magazine.
Kasong paglabag sa Article II, Section 5 & 11 ng Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” at RA 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act” ang kakaharapin ng mga suspek.
Ang operasyon ay bahagi ng patuloy na pagsusumikap ng Valencia City PNP na sugpuin ang ilegal na droga at kriminalidad at tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan tungo sa pagtamasa ng kaunlaran.
Source: Bukidnon Police Provincial Office
Panulat ni PMSg Grace Ortiz