Hinimok ng Commission on Elections (Comelec) ang Philippine National Police (PNP) na hindi mag-atubiling ipatupad ang warrantless arrest laban sa mga indibidwal na mahuling nambibili ng boto o vote buying.
Ayon kay COMELEC Chairman George Garcia, isang araw bago ang halalan 2025 na poprotektahan nila ang lahat ng pulis na mahaharap sa kasong legal kaugnay sa pagpapatupad ng warrantless arrest laban sa mga vote buyers.
“Allowed ang warrantless arrest sapagkat ‘yan mismo ay pinapayagan ng 1987 Constitution at ‘yung mga desisyon ng Korte Suprema, lalo pa kung ‘yung aarestuhin mo ay caught in flagrante delicto o ‘yun bang caught in the act sa harapan mismo ang krimen,” saad ni Garcia.
“Ang ating instruction sa PNP, bilang aming deputized agent, na kinakailangan pigilan natin ang pamimili ng boto. Mang-aresto tayo ng mga tao kahit walang warrant of arrest sapagkat ‘yan ay tahasang krimen na ginagawa sa ating mga harapan,” dagdag pa niya.