Timbog ang apat na indibidwal kabilang ang dalawang tagagawa ng baril dahil sa pagbebenta ng iba’t ibang kalibre ng baril at bala sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Regional Special Operations Group (RSOG) ng National Capital Region Police Office sa Barangay Payatas, Quezon City bandang 7:10 ng gabi nito lamang May 10, 2025.
Ayon kay Police Major General Anthony Aberin, Regional Director ng NCRPO, na-aktuhan ang mga suspek na nagbebenta ng mga baril, bala, gun parts at accessories.
Nasabat ng pulisya ang marked buy-bust money, isang (1) ARMSCOR Shotgun, isang (1) S&W .357 Magnum revolver, dalawang (2) .45 caliber pistols, dalawang (2) .38 caliber revolvers, isang (1) shotgun na may serial number, pitong (7) pirasong 12-gauge ammunition, anim (6) na rounds ng live 9mm ammunition, at assorted gun parts and accessories.
Kasong paglabag sa Republic Act 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at Batas Pambansa Blg. 881 (Omnibus Election Code), as amended by R.A. 7166, in relation to COMELEC Resolution No. 11067 ang kakaharapin ng mga suspek.
“Hindi lulusot ang mga manliligalig sa isang NCRPO na hindi natutulog. Walang tigil ang ating pagmamanman at magpapatuloy ang ating mga operasyon upang makamit natin ang isang mapayapang halalan sa Metro Manila,” ani RD Aberin.
Source: National Capital Region Police Office
Panulat ni PMSg GN Ortiz