Mabilis na nirespondehan ng Valley Cops ang naganap na pamamaril sa isang Kapitan sa Barangay Hall ng Barangay 2, Enrile, Cagayan nito lamang Mayo 9, 2025 bandang 2:20 ng hapon.
Kinilala ni Police Brigadier General Antionio P Marallag Jr., Regional Director ng Police Regional Office 2, ang biktima na si Bernardo Gacuan, 72 taong gulang at kasalukuyang Punong Barangay ng Barangay 2, Enrile, Cagayan.
Ayon sa paunang imbestigasyon ng PRO 2, habang pumapasok ang biktima sa loob ng Barangay Hall ay sinundan siya ng suspek at binaril ng maraming beses sa kanyang likuran. Matapos ang pamamaril ay agad tumakas ang gunman at umangkas sa isang kulay asul at itim na Aerox Single Motorcycle na walang plaka.
Ayon naman sa mga nakasaksi sa pangyayari, ang gunman ay nakasuot ng itim na pang-itaas na mahaba ang manggas at gray na maong na pantalon, habang ang kasamang driver nito ay nakasuot ng itim na jersey sando at itim na pantalon. Ang mga salarin ay kapwa nakasuot ng itim na helmet.
Mabilis naman na hinabol ng mga kapulisan ang lugar kung saan nagtungo ang mga suspek.
Samantala, agad namang isinugod ng Enrile Rescue ang biktima sa St. Paul Hospital sa Tuguegarao City ngunit idineklarang dead on arrival ng umasikasong doktor.
Patuloy ang ginagawang hot pursuit operation ng Enrile Police Station upang tugisin ang mga tumakas na salarin. Naglabas din ng flash alarm sa mga kalapit na istasyon maging sa Isabela Police Provincial Office upang magsagawa ng dragnet operations at high-risk checkpoints para sa posibleng pagkakahuli ng mga suspek.
Mariin namang kinondena ni PBGen Marallag Jr., ang naganap na karahasan sa isang lingkod bayad.
“Mariin nating kinokondena ang marahas na krimeng ito laban kay Punong Barangay Bernardo Gacuan. Hindi natin palalagpasin ang ganitong uri ng karahasan. Nanawagan kami sa publiko na agad ipagbigay-alam ang anumang impormasyon na maaaring makatulong sa ikalulutas ng kaso. Sa pakikipagtulungan ng mamamayan, sisiguraduhin nating mapanagot ang mga nasa likod ng krimeng ito,” ani PBGen Marallag.
Sa kabila ng insidenteng ito, patuloy ang Valley Cops sa kanilang isinasagawang pagbabantay upang masiguro ang isang payapa, malinis, at ligtas na halalan 2025.
Source: Police Regional Office 2