Isang protesta ang nauwi sa tensyon matapos magpasabog ng improvised smoke grenade ang isa sa mga raliyista sa harap ng Laguna Provincial Capitol Extension Office sa Barangay Halang, Calamba City, nitong ika-8 ng Mayo 2025.
Dakong alas-7:00 ng umaga, humigit-kumulang 50 indibidwal ang nagsagawa ng kilos-protesta na may temang ” Labanan ang Bentahan ng Boto sa Laguna!”.
Ayon sa ulat, bitbit ng mga nagpoprotesta ang mga tarpaulin at plakard na may tatak na “Sponsored: SOLid Lagunense,” habang sila ay nananawagan ng isang malinis at patas na halalan sa probinsya.
Ngunit bandang alas-7:58 ng umaga, ikinabigla ng mga security personnel ang pagpapasabog ng isang improvised smoke grenade ng isa sa mga kasapi ng grupo, na agad lumikha ng makapal na usok sa paligid ng gusali. Sa mabilis na aksyon ng mga guwardiya, apat na karagdagang smoke grenades ang narekober sa lugar.
Agad na naipagbigay-alam ang insidente sa Calamba City Police Station at agad namang rumesponde ang mga Investigators on Case (IOC). Nakipag-ugnayan din sila sa Explosive Ordnance Disposal (EOD) ng Police Regional Office 4A upang isailalim sa pagsusuri ang mga narekober na pampasabog.
Kasabay ng imbestigasyon, kinukuha na rin ang mga pahayag ng mga testigo at security guard upang matukoy ang pagkakakilanlan ng indibidwal na responsable sa pagpapasabog. Kasalukuyang nirerepaso rin ang mga CCTV footage sa paligid upang makuha ang kabuuang pangyayari.
Sa kabila ng insidente, walang naiulat na nasaktan at agad na naibalik sa normal ang sitwasyon pagsapit ng alas-8:10 ng umaga. Pinayuhan ng mga awtoridad ang publiko na manatiling mapagmatyag at huwag magpakalat ng hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Sa panayam kay Police Lieutenant Colonel Victor M. Sobrepeña, hepe ng Calamba Component City Police Station, kanyang tiniyak ang determinasyon ng kapulisan na alamin ang buong katotohanan sa likod ng insidente at panagutin ang sinumang responsable. “Hindi namin hahayaan na gamitin ang protesta bilang dahilan upang lumikha ng takot at kaguluhan sa ating komunidad, lalo na ngayong papalapit na ang halalan.”
Habang papalapit ang Halalan 2025, muling pinapaalalahanan ang bawat mamamayan na pairalin ang disiplina, kapanatagan, at responsableng pakikilahok sa mga demokratikong proseso.

