Bilang tugon sa nalalapit na May 12, 2025 National and Local Elections, tuluyan nang na-mobilize ng Police Regional Office 7 ang lahat ng tauhan at resources upang matiyak ang seguridad, kaayusan, at integridad ng halalan sa rehiyon ng Central Visayas.
Ang anunsyong ito ay kasunod ng idinaos na nationwide command conference na pinangunahan ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco Marbil, kung saan binigyang-diin ang kahalagahan ng kahandaan at non-partisanship ng bawat yunit ng pulisya.
Ayon kay PRO 7 Regional Director, Police Brigadier General Redrico A. Maranan, handang-handa na ang kanilang hanay para sa halalan.
Mula nang ilagay sa full alert status noong Mayo 3, 2025, pumasok na ang PRO 7 sa huling yugto ng kanilang election security operations. Ang lahat ng yunit ay naipuwesto na sa mga lugar na may kinalaman sa eleksyon gaya ng mga polling precincts, terminals, at iba pang pampublikong lugar.


Bahagi rin ng seguridad ang kampanyang Kontra-Bigay na naglalayong pigilan ang pagbili ng boto at iba pang uri ng pandaraya. Nagpatupad ang PRO 7 ng intelligence networks, anonymous tip lines, at joint operations kasama ang iba’t ibang law enforcement partners upang tuluyang mapigil ang mga ilegal na aktibidad.
Kasama rin sa mga hakbangin ang pagde-deploy ng Quick Reaction Teams (QRTs), mobile patrols, at checkpoints sa mga pangunahing lugar sa rehiyon. Ang mga yunit na ito ay nakahandang rumesponde sa anumang insidente sa panahon ng halalan.
Bilang bahagi ng kanilang masusing pagbabantay, personal na nagsagawa ng onsite inspection si PBGen Maranan sa Comelec Hub at Canvassing Area sa lalawigan ng Bohol upang tiyakin ang operational readiness ng mga tauhan at palakasin ang seguridad sa mga lugar ng pagbibilang.