Personal na binisita ni PNP Chief, PGen Rommel Francisco D. Marbil, ang regional units sa Police Regional Office 4A (CALABARZON) at Police Regional Office 5 (Bicol Region) noong Mayo 8, 2025 upang siguraduhin ang kahandaan ng mga ito sa nalalapit na eleksyon.


Unang binisita ni PGen Marbil ang Camp BGen Vicente P Lim sa Calamba, Laguna, ang punong tanggapan ng PRO 4A, upang inspeksyunin ang mga personnel, at suriin ang makabagong Regional Command Center ng rehiyon. Ipinagmalaki rin ng PRO 4A ang pagkakabuo ng Special Task Group for National and Local Elections 2025, at paglunsad ng IMPLAN TAGAPAGBUKLOD — isang post-election initiative na naglalayong pababain ang tensyon sa pagitan ng mga nanalo at natalong kandidato upang mapanatili ang kapayapaan pagkatapos ng halalan.



Sunod na nagtungo ang Hepe sa Police Regional Office 5 sa Camp BGen Simeon A Ola upang tingnan ang kahandaan ng rehiyon para sa halalan. Pinuri naman ni PGen Marbil ang PRO 5 matapos nilang ipresenta ang detalyadong mga hakbang upang maging ligtas, maayos, at matapat ang proseso ng eleksyon.

“Ang ating mandato ay manatiling apolitical at gampanan ang ating tungkulin nang may pinakamataas na antas ng propesyonalismo at integridad. Ang ating pagkakaisa at pagtutulungan ang susi upang maging pinakaligtas at pinaka-transparent na halalan ang magaganap sa kasaysayan,” pahayag ni PGen Marbil.
Muling binigyang-diin ni PGen Marbil ang matatag na paninindigan ng PNP laban sa anumang anyo ng political bias o interference, at hinikayat ang kapulisan na patuloy na paigtingin ang ugnayan sa komunidad, pag-monitor ng impormasyon, at pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya upang matiyak ang ligtas at patas na halalan.