Inilunsad ng Philippine National Police (PNP) ang Community Assistance, Safety and Support Network o CASSN dakong alas 3:00 ng hapon ng ika-7 ng Mayo 2025 sa Plaza Lorenzo Ruiz, Quintin Predes St., Binondo, Maynila.
Ang naturang proyekto ay may layuning panatilihing ligtas ang lahat ng mga indibidwal na bahagi sa iba’t ibang Filipino-foreign communities sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga contact points sa lahat ng municipal, city at district police offices sa buong bansa.
Kabilang sa mga hangarin ng CASSN ang magbigay ng tagapag-ugnay o liaison sa pagitan ng PNP at ng Filipino-foreign communities at ang pagkakaroon ng maagap na serbisyo-publiko at agarang aksyon ng pulisya partikular na sa pagtugon sa oras ng sakuna o anumang uri ng insidente.
Nanguna sa nasabing aktibidad si Police Major General Roderick Augustus Alba, Director ng Directorate for Police Community Relations, na binigyang diin ang kahalagahan ng nasabing inisyatibo upang masolusyonan ang mga insidenteng nangyayari sa bansa na nagdudulot ng takot sa ating mga Filipino-foreign communities, nanguna na riyan ang mga kasapi ng Filipino-Chinese communities.
Dinaluhan naman ito ng iba’t ibang PNP senior officers kabilang na sina Police Major General Anthony A. Aberin, Regional Director ng NCRPO; Police Brigadier General Marvin Joe C. Saro, Director ng PCADG, at marami pang iba.

Dagdag pa niya na ang inisyatibong ito ng PNP ay isa rin sa mga strategic response ng buong hanay upang matuldukan ang mga naiulat na krimen at mas mapabilis ang pagtugis sa mga kriminal lalo na sa mga naunang insidente na tiyak na nakapagdulot ng malaking epekto sa mga Filipino-foreign communities sa bansa.


Samantala tiniyak naman ng PNP sa pangunguna ni Police General Rommel Francisco D Marbil, PNP Top Cop, na bahagi lamang ang CASSN sa kanilang malawakang kampanya upang bigyang pansin ang kapakanan ng ating mga kababayang Filipino-Chinese at ang lahat ng Filipino-Foreign communities laban sa mga kriminal at mabigyan sila ng kapanatagan kaugnay sa usaping seguridad at kaligtasan.