Isinagawa ng Police Regional Office 13 ang makabagong A.G.A.P. Caraga mobile application sa isinagawang soft launching sa Camp Colonel Rafael C. Rodriguez, Butuan City nito lamang Mayo 5, 2025.
Pinangunahan ni Police Brigadier General Christopher N. Abrahano, PRO13 Director, ang nasabing aktibidad katuwang sina Atty. Geraldine C. Samson, Assistant Regional Election Director ng COMELEC Caraga; BGen Adolfo B. Espuelas Jr., Commander ng 402nd Infantry Brigade ng Philippine Army; LTJG Irah Nicole Radaza, Acting Chief of Staff ng Coast Guard District Northeastern Mindanao; mga tauhan ng PRO-13, at ilang miyembro ng media.
Ang A.G.A.P. Caraga, na nangangahulugang Alerto, Giya, Andam, Paglikay, ay isang online application na alinsunod sa estratehikong direksyon ni RD Abrahano na “Maghanda, Mag-ingat, Tumugon.”

Ang nasabing app ay gumagamit ng location-based technology na nagbibigay-daan sa mga user na mabilis na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na istasyon ng pulis, makatanggap ng mga alerto ukol sa seguridad, at agad na makapag-ulat ng insidente o kahina-hinalang kilos.
Layunin ng app na agad matukoy ang pinakamalapit na istasyon ng pulisya, makuha ang contact information, direksyon, at makatanggap ng real-time advisories ukol sa seguridad at kaligtasan sa buong rehiyon.
“This application is part of our ongoing efforts to improve response time and enhance public safety. We aim to ensure that innovation translates to safer and more empowered communities in the region,” ani PBGen Abrahano.
Panulat ni Pat Karen Mallillin