Pormal na ipinadala ng Isabela Police Provincial Office ang kabuuang 179 na pulis bilang karagdagang puwersa sa iba’t ibang Municipal Police Stations sa lalawigan ng Isabela, bilang paghahanda sa National and Local Elections 2025 nitong Mayo 5, 2025.


Ang isinagawang Send-Off Ceremony ay ginanap upang ipakita ang kahandaan ng PNP Isabela sa pagtugon sa mga pangangailangan ng seguridad sa panahon ng halalan. Ang augmentation personnel ay binubuo ng anim (6) na Police Commissioned Officers (PCOs) at 173 na Police Non-Commissioned Officers (PNCOs) na mula sa iba’t ibang yunit sa lalawigan.
Itatalaga ang mga augmentation personnel sa mga piling bayan kung saan kinakailangan ang dagdag na puwersa para sa maayos na pagdaraos ng halalan.
Ayon kay Police Colonel Lee Allen Bauding, Provincial Director ng Isabela PNP, mahalaga ang ginagampanan ng mga ipinadalang pulis sa pagpapanatili ng kaayusan at katahimikan lalo na sa panahon ng halalan. Binanggit niya na ang kanilang presensya sa mga itinalagang lugar ay magsisilbing dagdag na seguridad upang matiyak ang isang mapayapa, maayos, at tapat na eleksyon.
Aniya, “Ang kanilang presensya sa mga lugar ng assignment ay dagdag na seguridad para sa ating mga kababayan. Inaasahan nating magiging patas, propesyonal, at maagap sila sa pagtupad ng kanilang tungkulin.”
Pinaalalahanan din ang mga ipinadalang tauhan na panatilihin ang disiplina, maging patas sa pagganap ng tungkulin, at pairalin ang maximum tolerance sa anumang sitwasyon. Sa ganitong paraan, masisiguro ang ligtas na pagboto ng bawat Isabeleño at ang tagumpay ng demokratikong proseso.
Ang Isabela PNP ay patuloy na naninindigan sa adhikain nitong maging katuwang ng mamamayan sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan, lalo na sa mahahalagang panahong tulad ng halalan.
Source: PNP Isabela
Panulat ni Pat Jerilyn Colico