Kalaboso ang dalawang High Value Individual sa ikinasang buy-bust operation ng pulisya sa Barangay 42-A, Tacloban City nito lamang Mayo 03, 2025.
Kinilala ni Police Major Juan Eliezer A Abellon, hepe ng Tacloban City Drug Enforcement Unit, ang mga suspek na sina alyas “Ben”, 51 anyos, residente ng Barangay 42-A, Tacloban City at alyas “Ivan”, 18 anyos na residente ng Barangay 62-A, Tacloban City.
Bandang 2:28 ng hapon nang ikasa ang operasyon ng mga tauhan ng Tacloban City Drug Enforcement Unit sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency 8.
Nakumpiska sa mga suspek ang walong (8) pakete ng hinihinalang shabu na may tinatayang timbang na 15 gramo na nagkakahalaga ng Php102,000, isang genuine 500-peso bill na ginamit bilang buy-bust money kasama ang apat na pirasong 1,000-peso bill bogus money at mga drug paraphernalia.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5 at 11 Article II ng Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng pagpapaigting ng Tacloban City PNP katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno sa kampanya laban sa ilegal na droga upang matiyak ang kaayusan at kapayapaan sa nasasakupan. Dahil sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng pulis, ligtas ka!.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Elena B Singian