Umabot na sa sampung milyong piso ang pabuya para sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ni Gong Wenli, isa sa mga co-mastermind sa pagpatay kay Chinese businessman Anson Que at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo.
Ang naturang suspek na tinaguriang “steel magnate” ay kilala rin sa iba’t ibang mga alyas na Kelly Tan Lim, Bao Wenli, Axin, at Huang Yanling.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Brigadier General Jean S. Fajardo sa ginanap na press briefing sa Kampo Krame ngayong araw, ika-5 ng Mayo, kabuuang limang suspek ang pumatay kay Que at sa kanyang driver kabilang ang mga nasa kanilang kustodiya na sina David Tan Liao, Richardo Austria, at Reymart Catequista, at ang mga tinutugis na sina Jonin Lin at Kelly. Sina Liao at Kelly ang umano’y masterminds habang sina Austria, Catequista, at Lin ay pawang mga kasabwat.
Matatandaang ang unang alok na gantimpala ay limang milyong piso na galing sa isang concerned citizen. Ito ay matapos ilabas ng PNP ang pangalan ni Kelly nang pinagtibay ng dalawang kasamang suspek, sina Catequista at Garcia, na siya ang gumamit ng telepono ni Que upang makipagnegosyo sa pamilya nito.
Huling natunton ang kinaroroonan ni alyas Kelly sa isla ng Boracay, kaya’t kumpiyansa ang PNP na hindi pa ito nakalalabas ng bansa.
Nananawagan ang pulisya na di magdalawang-isip na ipagbigay-alam ang anumang impormasyon na makapagtuturo sa kinaroroonan ng suspek.
Source: radyopilipinas.ph (https://www.facebook.com/share/16GPUq84Sb/?mibextid=wwXIfr)