Bilang bahagi ng mas pinaigting na paghahanda para sa nalalapit na 2025 National and Local Elections, matagumpay na isinagawa ng Bohol Police Provincial Office (BPPO) ang isang malawakang Simulation Exercise (SIMEX) sa lungsod ng Tagbilaran noong Mayo 2, 2025.
Sa pamumuno ni Police Colonel Arnel Banzon, Provincial Director ng Bohol PPO, isinagawa ang serye ng mga senaryo upang subukan ang kahandaan ng kapulisan sa iba’t ibang uri ng banta sa halalan tulad ng hostage-taking, Civil Disturbance Management, bomb threat response, robbery hold-up, at pagpapatupad ng high at low-risk checkpoints. Tampok rin sa aktibidad ang isang demonstration ng specialized tactics mula sa SWAT Team.



Ang nasabing simulation exercise ay isinagawa katuwang ang Bureau of Fire Protection (BFP), Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), at iba pang ahensyang may kaugnayan sa pampublikong seguridad upang mas mapalalim ang koordinasyon at kolektibong kakayahan sa pagtugon sa krisis.
Personal na pinangunahan ni Police Brigadier General Redrico Atienza Maranan, Regional Director ng Police Regional Office 7, ang inspeksyon ng mga aktibidad bilang bahagi ng kanyang regular na assessment upang matiyak ang kapayapaan at kaayusan sa halalan.
Matapos ang simulation, agad na isinagawa ang isang Command Briefing at Critique Session na pinangasiwaan ni PBGen Maranan, kasama ang BPPO Command Group at Staff, upang suriin ang performance ng bawat yunit at kilalanin ang mga aspeto na nangangailangan pa ng pagbuti.
Ang ganitong mga hakbang ay nagpapakita ng dedikasyon ng mga kapulisan upang matiyak ang pagtataguyod ng isang Safe, Accurate, Free, and Fair Elections.