Nakiisa sa pagdiriwang ng Araw ng Manggagawa ang Pambansang Pulisya ng Pilipinas—isang mahalagang pagkakataon upang kilalanin at parangalan ang lakas, talino, at dedikasyon ng bawat manggagawang Pilipino.
Sa kabila ng iba’t ibang hamon, nananatiling matatag ang ating mga manggagawa. Sila ang pundasyon ng ating lipunan—mga guro, manggagamot, kasambahay, manggagawang pabrika, magsasaka, mangingisda, Overseas Filipino Workers, at mga kawani ng pamahalaan. Ang bawat pawis at sakripisyo nila ay nagbubukas ng pag-asa para sa isang mas maunlad na bansa.
Kaisa ang PNP sa pagkilalang ito. Kami rin ay mga lingkod-bayan—mga manggagawang handang magsakripisyo para sa kapayapaan at kaayusan. Kaya naman ngayong araw, habang ang iba ay nagdiriwang at nagpapahayag ng kanilang mga panawagan, ang inyong kapulisan ay narito upang tiyakin na ang lahat ng aktibidad ay mapayapa at maayos.
Pinapahalagahan ng PNP ang karapatan ng bawat isa sa malayang pamamahayag at mapayapang pagtitipon. At sa parehong diwa, nananawagan kami ng disiplina, paggalang sa batas, at pakikiisa tungo sa isang makabuluhang selebrasyon ng Araw ng mga Manggagawa.
Muli, isang mataas na pagpupugay sa manggagawang Pilipino—ang tunay na bayani ng ating bansa.
Mabuhay ang manggagawang Pilipino!