Pormal ng nagtapos ang 244 PNP personnel sa isinagawang Civil Disturbance Management Operations Training at Medical Response nito lamang Abril 30, 2025 sa Camp BGen Rafael T Crame, Quezon City.
Ang naturang mga pulis ay binubuo ng NHQ Reactionary Standby Support Force (RSSF) mula sa iba’t ibang National Support Units na inaasahang maging karagdagang katuwang ng Commission on Elections (Comelec) sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa darating na Eleksyon sa Mayo 12.
Nanguna si Deputy Chief PNP for Administration, PLtGen Jose Melencio C. Nartatez, bilang kinatawan ni PNP Chief, PGen Rommel Francisco D. Marbil, sa idinaos na Closing Ceremony kasama si Comelec Chairman, George Erwin Garcia, na dinaluhan din ng iba pang mga PNP Senior Officials kabilang si Deputy Chief PNP for Operations, PLtGen Robert T. Rodriguez.

Binigyang diin naman ni PGen Marbil sa kanyang mensahe ang kahandaan ng PNP na pangalagaan ang proseso ng halalan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng iba’t ibang pagsasanay sa mga tauhan nito, lalo na sa mga lugar na nangangailangan ng cultural sensitivity at heightened vigilance. Hinimok din niya ang mga nagtapos na pulis na isabuhay ang disiplina, pagiging patas, at paggalang sa karapatang pantao sa pagtupad ng kanilang tungkulin, partikular na sa panahon ng halalan.
Ang mga nagtapos na pulis ay magsisilbing Quick Response Team ng PNP mula sa National Headquarters na handang ideploy sakaling magkaroon ng kaguluhan at kalamidad sa mismong araw ng eleksyon.
