Handang harapin ni Police General Rommel Francisco D Marbil, Chief ng Philippine National Police at Police Major General Nicholas Torre III, Director ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), sakaling kasuhan hinggil sa pag-aresto kay Former President Rodrigo R Duterte, ito ang tugon ni Police Brigadier General Jean S Fajardo, Spokesperson ng PNP at Regional Director ng Police Regional Office 3 sa isinagawang press briefing nito lamang Miyerkules, Abril 30, 2025 sa PNP PIO Briefing Room, Camp Crame, Quezon City.
Ito ay kaugnay sa rekomendasyon ni Senate Foreign Relations Committee Chairperson Imee R Marcos, na dapat imbestigahan ng Ombudsman ang limang opisyal ng pamahalaan kabilang sina PGen Marbil at PMGen Torre, dahil sa posibleng paglabag sa arbitrary detention at grave misconduct.
Ayon kay PBGen Fajardo, ang dalawang mataas na opisyal ng PNP ay nanindigan na tumugon lamang sa hiling ng Philippine Center on Transnational Crime (PCTC), na tulungan sa pagsisilbi sa tinatawag na Red Fussion Notice mula sa Interpol laban sa dating Pangulong Duterte.
“They are prepared to answer any and all charges before any proper forum but we have to reiterate na ang papel lamang po ng PNP dito sa pag-aresto kay former Pangulong Duterte ay we just extended assistance PCTC who requested na tulungan natin sila para i-implement po ang Red Fusion Notice against the former president.” dagdag ni PBGen Fajardo.