Personal na ginawaran ng parangal ni Police General Rommel Francisco D Marbil, Chief, Philippine National Police ang isang sugatang pulis dahil sa nangyaring pananambang na kasalukuyang nagpapagaling sa isang hospital sa Sampaloc, Manila nito lamang hapon ng Miyerkules, Abril 30, 2025.
Matatandaan na noong Abril 28, 2025 sa P. Guevarra Street, Sampaloc, Maynila, nang rumesponde si Patrolman Rei Jetru Brual Realiza, sa isang insidente ng pananambang at matapang na hinarap ang mga armadong suspek na umatake sa isang sibilyan.
Nagkaroon ng palitan ng putok at tinamaan si Patrolman Realiza sa kanang binti nito ngunit hindi pa rin nagpatinag at ginampanan ang tungkulin upang masiguro ang kaligtasan ng naturang sibilyan.
Iginawad ni PGen Marbil ang Medalya ng Kadakilaan at Medalya ng Sugatang Magiting kay Patrolman Realiza.
Kasamang bumisita ni CPNP sina Police Major General Roderick Augustus B Alba, Director for Police Community Relations; PBGen Jezebel D. Medina, Director ng Health Service; at PBGen John Kirby Kraft, Officer-In-Charge ng Directorate for Personnel and Records Management.

Samantala, binisita rin ni PGen Marbil sina Police Staff Sergeant Elmer Rojas Belaro ng Infanta Quezon Municipal Police Station, na biktima ng pamamaril sa Dasmariñas, Cavite, at Police Staff Sergeant John Patrick Caranguian ng MPD Traffic Investigation, na naaksidente habang papunta sa duty.
Tiniyak ni PGen Marbil ang tulong ng organisasyon lalo na sa medical needs, claims, at iba pang kinakailangang suporta habang nagpapagaling ang mga sugatang pulis na nagpamalas ng kabayanihan at nagbigay ng malaking karangalan hindi lamang sa kanilang sarili kundi sa buong hanay ng Pambansang Pulisya.

