Tinatayang Php229,200 halaga ng smuggled na sigarilyo ang nakumpiska ng mga awtoridad sa isinagawang COMELEC checkpoint sa Border Control Point, Barangay San Pedro, Tungawan, Zamboanga Sibugay nito lamang Abril 28, 2025.
Ayon kay Police Colonel Barnard Danie V Dasugo, Provincial Director ng Zamboanga Sibugay Police Provincial Office, naharang ng pulisya ang isang puting Baja MAXIMA na walang plaka na nagmula sa Barangay Licomo, Zamboanga City at pumasok sa hangganan ng Zamboanga Sibugay Province nang napansin ang mga reams ng sigarilyo sa pamamagitan ng transparent na windshield sa kanang bahagi ng likuran ng sasakyan.
Nang hanapan ang suspek ng mga kaukulang dokumento sa mga dalang assorted na sigarilyo ay wala itong maipakita na anumang papeles kaya inaresto ang suspek.
Nakumpiska ang 200 reams ng Cannon Menthol cigarettes; 100 reams ng Bravo cigarettes; isang unit ng puting Baja MAXIMA na walang plaka na may kabuuang halaga ng Php229,200.
Naging matigumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga tauhan ng Tungawan Municipal Police Station at Zamboanga City Police Station 1.
Patuloy ang PNP sa pagbantay sa anumang uri ng kriminalidad at iligal na aktibidad upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan sa ating pamayanan.
Panulat ni Pat Joyce M Franco