Napigilan ang insidente ng pagnanakaw dahil sa mabilis na pagresponde ng isang off-duty cop sa Malinoville Subdivision, Barangay Malino, Mexico, Pampanga nito lamang 3:45 ng madaling araw ng Biyernes, Abril 25, 2025.
Ayon kay Police Brigadier General Jean S Fajardo, Regional Director ng Police Regional Office 3, ang naturang magnanakaw ay pwersahang pinasok ang bahay ng isang 36-year-old driver, na kilala sa alyas na “Mr. DJ.”
Ang pagpasok ng magnanakaw ay nakita ni Ginoong Zabat, 56 anyos, na kaagad ginising ang kanyang anak na isang pulis na si Patrolman Ray Lemuel Zabat, 29 anyos.
Nabatid na nagnakaw ang suspek ng dalawang mobile phones- isang blue vivo at black Redmi.
Habang tinangka ng suspek na tumakas, dito na kinumpronta ni Patrolman Zabat at nang nagpakilala ito na isang pulis, bigla na lamang bumunot ng baril na nakasukbit sa balakang nito dahilan upang ipagtanggol ng pulis ang kanyang sarili at agad pinaputukan ang suspek na tinamaan sa kanyang tiyan na dahilan ng kanyang agarang-pagkamatay.
“Ang pangyayaring ito ay nagpapakita ng tapang at dedikasyon ng ating mga pulis na handang magprotekta sa tao kahit tapos na ang kanilang oras ng trabaho. Ang PRO3 ay patuloy na nagsisikap para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan. Hinihikayat namin ang lahat na maging alerto at agad mag-ulat sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung may napansing kahina-hinalang kilos o aktibidad,” saad ni RD Fajardo.
Source: Police Regional Office 3
Panulat ni PMSg GN Ortiz