Arestado ang isang wanted person sa pinagsamang operasyon ng Tracker Team ng Oroquieta City Police Station at sa koordinasyon ng Molave Municipal Police Station kaugnay ng kaso ng panggagahasa sa Lopez Jaena, Misamis Occidental nito lamang Sabado, Abril 26, 2025.
Ayon kay Police Brigadier General Jaysen C De Guzman, Regional Director ng Police Regional Office 10, ang naaresto ay isang 24 anyos, lalaki, binata, isang electronics technician na kasalukuyang naninirahan sa Lopez Jaena, Misamis Occidental, at orihinal na taga-Molave, Zamboanga del Sur.
Ang suspek ay dinakip sa pamamagitan ng pagsilbi ng Warrant of Arrest para sa kasong Panggagahasa sa ilalim ng Article 266-A (1) kaugnay ng Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act) (7) counts na walang inirekomendang piyansa.
Patuloy ang maigting na kampanya ng PNP laban sa anumang uri ng kriminalidad at terorismo tungo sa pagkamit ng kaayusan at kapayapaan ng ating bayan.