Nadakip sa isinagawang hot pursuit operation ng mga miyembro ng Police Regional Office 2 ang dalawang suspek sa pamamaril sa isang Sangguniang Bayan candidate at dalawa pang indibidwal sa Barangay Poblacion, San Pablo, Isabela bandang 11:10 ng gabi ng Abril 25, 2025.
Batay sa ulat ng Isabela Police Provincial Office, naganap ang insidente bandang alas-9:40 ng gabi ng Abril 25, 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Antonio P Marallag, Jr, Regional Director ng PRO2, ang mga biktima na sina Mark Jhon Paul Tipon, 34 taong gulang at kandidato sa Sangguniang Bayan; Mark Francis Antonio, 25 taong gulang; at Jhon Lloyd Duran, 21 taong gulang, pawang mga residente ng Barangay Poblacion, San Pablo, Isabela.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng isang pick-up nang pagbabarilin sila ng mga suspek na lulan ng isang puting Toyota Hi-Lux pick-up (Conquest). Dahil sa insidente, nagtamo ng mga tama ng bala ang mga biktima na agad namang isinugod sa Milagros Albano District Hospital sa Cabagan, Isabela para sa agarang medikal na atensyon at kalaunan ay inilipat sa isang ospital sa lungsod ng Tuguegarao.


Narekober mula sa mga suspek ang isang kalibre .45 na baril na kargado ng pitong bala; isang magasin ng kalibre .45 na kargado rin ng pitong bala: isang black gun holster; apat na karagdagang bala ng kalibre .45; isang fan knife; at isang white Toyota Hi-Lux pick-up (Conquest) na umano’y ginamit sa krimen.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril. Inaalam ng mga awtoridad ang lahat ng posibleng anggulo at patuloy ang pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan at komunidad upang makakalap ng karagdagang impormasyon.
Mariing kinokondena ng Police Regional Office 2 ang marahas na gawaing ito. Tiniyak naman ni PBGen Marallag Jr. sa publiko na isinasagawa ng mga kapulisan ang lahat ng hakbang upang mapanagot ang mga sangkot sa krimeng ito.
“Hindi kailanman magiging katanggap-tanggap ang anumang uri ng karahasan, lalo na kung ito’y naglalayong guluhin ang katahimikan ng ating mga pamayanan, higit pa ngayong panahon ng halalan. Ipinapakita ng mabilis na pagkakadakip sa mga suspek ang aming determinasyon na protektahan ang karapatan at kaligtasan ng bawat mamamayan. Patuloy naming paiigtingin ang seguridad upang matiyak ang maayos, mapayapa, at makatarungang halalan sa buong Rehiyon 2,” saad ni PBGen Marallag Jr.
Hinihikayat ng PRO2 ang publiko na manatiling kalmado ngunit mapagmatyag, at agarang ipagbigay-alam sa mga awtoridad ang anumang karagdagang impormasyon na makapagpapalakas sa kaso. Anumang impormasyon ay maaaring i-report sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya.
Source: PRO 2 News Brief