Nasamsam ang mahigit Php1 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa tatlong drug suspek sa ikinasang buy-bust operation ng Dumangas Municipal Police Station (MPS) Station Drug Enforcement Team (SDET) kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) bandang alas-2:00 ng hapon, nito lamang ika-24 ng Abril, 2025, sa Barangay Tabucan, Dumangas, Iloilo.
Kinilala ni Police Major Kenn Albert Lepsia, Officer-In-Charge ng Dumangas Municipal Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Aming,” nasa hustong gulang at isang High Value Individual (HVI), alyas “Alfoni,” 23 anyos, binata, at si alyas “Kier,” 23 anyos at may live-in partner—lahat ay pawang mga residente ng nasabing barangay.
Positibong nabilhan ng isang sachet ng hinihinalang shabu ang mga suspek ng isang pulis na nagpanggap na buyer, gamit ang buy-bust money na nagkakahalaga ng Php11,600.
Matapos ang transaksyon, agad na inaresto ang mga suspek, ngunit nakatakas si alyas “Aming.” Sa isinagawang agarang Hot Pursuit Operation ng mga kapulisan ay nahuli rin ito sa Barangay Baras, Dumangas.
Nasamsam sa operasyon ang humigit kumulang150 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php1,020,000.
Kabilang sa mga ebidensyang nakuha ang walong heat-sealed sachet at isang knot-tied sachet na naglalaman ng suspected shabu, isang granada, lighter, black belt bag, plastic at tissue wraps, at iba pang non-drug items.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng walang humpay na pagsisikap ng Philippine National Police upang panatilihing ligtas at payapa ang komunidad, dahil sa Bagong Pilipinas ang Gusto ng Pulis, Ligtas Ka!.
Source: PRO6 RTOC
Panulat ni Pat Justine Mae Jallores