Pinaigting ng Baguio City Police Office ang seguridad sa iba’t ibang bahagi ng lungsod ngayong Semana Santa upang matiyak ang kaligtasan ng publiko at mga turista.
Ayon kay Police Colonel Ruel Tagel, City Director ng Baguio City Police Office, dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga bisita, nagtalaga ng mga tauhan ng kapulisan sa mga pangunahing simbahan, bus terminals, pook-pasyalan, malls, at palengke, mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao sa panahon ng pagninilay at bakasyon.

Bilang bahagi ng kanilang traffic management strategy, inilunsad ang “Bakasyon Lane” para sa mga biyaherong hindi dadaan sa central business district at nilagyan ang mga alternatibong ruta ng mga karatula upang mas mapadali ang biyahe ng mga motorista at maiwasan ang pagsisikip ng trapiko.
Muling pinaalalahanan ng lokal na pamahalaan ang publiko na ang umiiral na number coding scheme ay hindi awtomatikong nasususpinde sa mga holiday.
Kaya’t pinapayuhang sumunod pa rin dito upang makaiwas sa abala at multa.
Hinikayat din ng Baguio City PNP, ang mga turista na gumamit ng pampublikong transportasyon upang mapanatiling maayos ang daloy ng trapiko at mas ma-enjoy ang “walkable” na lungsod.
Patuloy ang panawagan ng Baguio City PNP sa kooperasyon ng publiko para sa isang mapayapa, ligtas, at maayos na paggunita ng Semana Santa sa Summer Capital ng Pilipinas.