Tinatayang nasa kabuuang 68,465 na PNP personnel ang kasalukuyang naka-deploy sa buong bansa para sa “Ligtas SUMVAC 2025” upang panatilihin ang kapayapaan at tiyakin ang kaligtasan ng mga Pilipino hindi lamang ngayong araw ng Biyernes Santo kundi sa buong selebrasyon ng Kwaresma.

Ayon sa Pambansang Pulisya, nasa 19,120 na personnel ang pinadala ng pamunuan upang magbantay sa mga simbahan; 18,283 naman sa mga pangunahing kalsada; 8,711 sa mga terminal; 10,125 sa mga commercial areas; at 12,226 naman ang idineploy sa mga tourist spots at recreation sites.

Ayon naman kay PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil, nakatutok ang PNP sa pagtiyak ng kaligtasan ng publiko ngayong Holy Week at sa buong summer season. “Ang kapulisan ay buong pusong naglilingkod at nakaantabay para sa inyong kaligtasan. Hinihikayat po namin ang bawat isa na makiisa, mag-ingat, at agad na iulat ang anumang insidente sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya,” ani General Marbil.
Dagdag pa niya na ang deployment na ito ay nagpapakita ng pagsunod ng PNP sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. tungkol sa proaktibong serbisyo publiko, lalo na sa mga mahahalagang okasyon at holiday.

Sa kabilang banda, nakilahok din ang PNP sa idinaos na 7 Last Words Testimonies of Hope ng EDSA Shrine- Shrine of Mary, Queen of Peace, Our Lady of Edsa na ginanap dakong alas dose ng hapon hanggang alas Tres. Pinangunahan ito ni PGen Marbil na siyang naatasang magbahagi ng Message of Hope alinsunod sa First Word ng ating Panginoong Hesus nang siya ay ipinako sa krus—ito ang “Father, forgive them, they know not what they do”.
Samantala, patuloy naman ang paalala ng PNP sa publiko na palaging makipagtulungan sa mga pulis sakaling mayroong ibang kaganapan o insidente ng krimen na mangyari sa kanilang lokalidad partikular na ngayong Lenten season.