Nakumpiska ang tinatayang Php204,000 halaga ng hinihinalang shabu mula sa dalawang indibidwal sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad sa Sitio Basakan, Barangay Limook, Lamitan City, Basilan nito lamang ika-9 ng Abril 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Elmer P. Solon, Hepe ng Lamitan City Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Lorence” at alyas “Florante,” na kapwa target ng operasyon dahil sa kanilang umano’y pagkakasangkot sa ilegal na pagbebenta ng droga.
Ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng Lamitan City Police Station katuwang ang 1403rd Regional Mobile Force Battalion BASULTA at PDEA-BARMM.
Nasamsam mula sa mga suspek ang tatlong plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang may kabuuang bigat na 30 gramo at may halagang Php204,000, isang Php500 bill na ginamit bilang marked money at isang coin purse.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy ang pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa iligal na droga sa ilalim ng programang BIDA o Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan, upang tiyaking ligtas at maayos ang pamayanan sa buong rehiyon.
Panulat ni Patrolwoman Ma. Señora Agbuya