Kalaboso ang isang security guard matapos ang mabilis na pagresponde ng kapulisan sa isang insidente ng tangkang pagnanakaw sa Palladium Suites Hotel, Cebu City, bandang alas-12:30 ng madaling araw noong Abril 8, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Enrico Evangelista Figueroa, Acting City Director ng Cebu City Police Office, ang suspek na si Vernor, 28 taong gulang, isang security guard ng Palladium Suites Hotel na nakaassign sa ilalim ng Sherlock Security Agency.
Ayon sa paunang imbestigasyon, ang biktima na si Sara, 23 taong gulang, isang receptionist/cashier ng hotel ay nasa loob ng hotel nang basagin ng suspek ang salamin ng pintuan upang makapasok at dumiretso sa cashier’s area. Hinawakan umano ng mahigpit ng suspek ang biktima, dahilan upang ito’y makasigaw at makatakbo palabas upang humingi ng saklolo.
Agad na nagresponde ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit matapos na ireport ng isang concerned citizen ang insidente sa elevated outpost sa Mango Square. Tumakas ang suspek ngunit naabutan ito sa Osmeña Blvd. malapit sa Cebu Doctors’ Hospital.
Habang inaaresto, naglabas umano ng kutsilyo ang suspek at tinangkang saksakin ang rumespondeng pulis, dahilan upang ito’y gumanti ng putok ng dalawang beses. Tinamaan sa kanang binti ang suspek ngunit sa kasamaang palad, tumalbog ang isa sa mga bala at tinamaan sa kanang braso ang isa pang rumespondeng pulis.
Agad na dinala ang sugatang pulis sa Cebu City Medical Center para sa agarang lunas habang ang suspek naman ay isinugod sa Vicente Sotto Memorial Medical Center para sa medikal na atensyon.

Narekober mula sa suspek ang isang kutsilyong may habang 8 pulgada. Kasalukuyang nasa kustodiya na ito ng kapulisan at sasampahan ng kasong Attempted Robbery at Direct Assault upon an agent of person in authority.
Patuloy na ipinatutupad ng Cebu City Police Office ang kanilang mandato sa pagsigurong ligtas ang bawat mamamayan sa lungsod para sa isang Bagong Pilipinas.