Arestado ang dalawang miyembro ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) matapos lumabag sa ipinatutupad na COMELEC Gun Ban sa isang joint Anti-Carnapping Checkpoint Operation sa Barangay Sadaan, Midsayap, Cotabato nito lamang Abril 7, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Arniel Cagud Melocotones, Officer-In-Charge ng Midsayap Municipal Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Tad”, 46 anyos, at residente ng Barangay Macasendeg, Cugunan, SGA-BARMM; at si alyas “Sam”, 40 anyos, residente ng Barangay Silik, Pikit, North Cotabato.
Isinagawa ang naturang checkpoint ng pinagsanib pwersa ng Highway Patrol Group 12 at Midsayap Municipal Police Station nang maharang ang isang Ford Raptor at isang Toyota Fortuner, kapwa kulay itim, sa paglabag sa P.D. 96/Administrative Order 18 dahil sa pagkakabit ng unauthorized blinkers.
Habang iniimbestigahan, napansin ng mga pulis ang isang black sling bag na bukas mula sa Ford Raptor kung saan nakita ang isang yunit ng Caliber .40 Glock na may kasamang dalawang magasin at 27 piraso ng bala.
Samantala, sa Toyota Fortuner naman ay nakita ang isang yunit ng Cal. 45 pistol na baril na may kasamang magasin at 10 na bala na nakalitaw sa bewang ni alyas “Sam”.
Kasong paglabag sa COMELEC Gun Ban at Republic Act 10591 o ang “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”, ang isinampang reklamo laban sa dalawa.
Mariing ipinapaalala ng Philippine National Police at Commission on Elections na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril sa panahon ng gun ban.
Ang sinumang lalabag ay sasampahan ng kaukulang kaso at kakasuhan sa ilalim ng batas. Patuloy ang maigting na pagpapatupad ng kapayapaan at seguridad lalo na sa panahon ng halalan.