Matagumpay na naisagawa ang 2025 Central Visayas Regional Athletic Association (CVIRAA) Meet na ginanap noong Marso 11-16, 2025 sa Bayawan City, Negros Oriental, sa ilalim ng temang “Spark the Champion Within,” nang walang naitalang malaking insidente.
Sa pangunguna ni Police Lieutenant Colonel Joeson B. Parallag, Chief of Police ng Bayawan City Police Station, Negros Oriental Police Provincial Office, tiniyak ng kapulisan ang seguridad at kaayusan sa nasabing patimpalak upang masiguro ang ligtas at maayos na karanasan para sa mga atleta, coaches, at manonood.

Kabuuang 382 personnel mula sa iba’t ibang law enforcement agencies, kabilang ang Negros Oriental Police Provincial Office (NOPPO), Regional Mobile Force Battalion 7 (RMFB 7), Philippine Army, Special Action Force (SAF), Philippine Coast Guard, at Explosive Ordnance Disposal (EOD), ang idineploy sa iba’t ibang venue upang mapanatili ang seguridad.
Bukod sa pagbabantay, aktibong pinamamahalaan ng mga awtoridad ang daloy ng trapiko at crowd control upang maiwasan ang pagsisikip sa lugar. Nagtulungan din ang pulisya at mga medical team upang agad makapagbigay ng tulong sa mga nangangailangan, habang regular na nagsagawa ng inspeksyon laban sa mga banta tulad ng eksplosibo at iba pang mapanganib na materyales.
Pinaigting din ang maritime at perimeter security upang mapigilan ang anumang hindi awtorisadong pagpasok sa mga event venue.
Dahil sa koordinadong pagsisikap ng Bayawan City Police Station at iba pang katuwang na ahensya, naging ligtas, mapayapa, at organisado ang CVIRAA 2025, na nagbigay-daan sa matagumpay na pagpapamalas ng sportsmanship, pagkakaisa, at kumpetisyon sa larangan ng palakasan.