Nasabat ang Php680,000 halaga ng shabu sa dalawang High Value Individual sa buy-bust operation ng pulisya sa Purok Kapawa, Barangay Tangub, Bacolod City ngayong ika-21 ng Marso 2025.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Mikz”, 18 anyos, residente ng Barangay Banago, at si alyas “Miko”, 35 anyos, residente ng Barangay 30, na pawang mga walang trabaho at itinuturing na High Value Individual kaugnay sa iligal na droga sa lungsod.
Ang operasyon ay isinagawa ng Police Station 8 Station Drug Enforcement Team (SDET) sa pangunguna ni Police Captain Greeky P Cayao.
Narekober mula sa mga suspek ang isang malaking sachet ng hinihinalang shabu bilang buy-bust item, siyam pang malalaking sachet, at isang knot-tied sachet ng suspected shabu na tumitimbang ng humigit kumulang 100 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng Php680,000.
Bukod dito, nasamsam rin ang isang asul na belt bag, isang brown na paper bag, isang motorsiklong Suzuki Raider 150 na kulay violet, boodle money na may halagang Php7,500 kasama ang isang tunay na Php500 bill, at isang asul na OPPO cellphone.
Ang mga suspek ay sasampahan ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Patuloy na nagsusumikap ang mga kapulisan ng Bacolod City Police Office (BCPO) na palakasin ang kanilang kampanya laban sa iligal na droga upang tiyakin ang isang ligtas at maayos na komunidad na malaya sa kriminalidad dulot ng ipinagbabawal na gamot.
Panulat ni Pat Justine Mae Jallores