Arestado ng mga awtoridad ang isang lalaki na itinuturing na Street Level Individual sa isang buy-bust operation sa Purok Mabuhay, Barangay Silway 8, Polomolok bandang 3:40 ng umaga nito lamang Marso 18, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Harold V Cornel, Officer-In-charge ng Polomolok Municipal Police Station, ang suspek na si alyas “Taba,” 41-anyos, walang trabaho, at residente ng Barangay Poblacion, Norala, South Cotabato.
Pinangunahan ng Polomolok Municipal Police Station (MPS) ang operasyon kasama ang South Cotabato Provincial Drug Enforcement Unit (SCPDEU), South Cotabato Provincial Intelligence Unit (SCPIU), at Regional Intelligence Division (RID 12), sa koordinasyon ng PDEA 12.
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang sachet na naglalaman hinihinalang shabu, pati na rin ang isang Php500 bill na ginamit bilang buy-bust money.
Patuloy ang mga operasyon ng mga awtoridad laban sa mga sangkot sa iligal na droga upang tiyakin ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad.