Arestado ang dalawang lalaking suspek sa isinagawang buy-bust operation na mga awtoridad dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165), Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act (RA 10591), at Omnibus Election Code (Gun Ban) nito lamang Linggo, Marso 16, 2025.
Ayon kay Police Brigadier General Manuel J. Abrugena, District Director ng SPD, pinangunahan ng District Drug Enforcement Unit-Southern Police District (DDEU-SPD) kasama ang District Intelligence Division-SPD at Sub-Station 4 ng Pasay City Police Station, ang nasabing operasyon sa Isidro St., Barangay 123, Pasay City.
Kinilala ang mga suspek na sina alias “Jero”, 27 anyos, isang High Value Individual (HVI), at alias “John”, 32 anyos, isang Street Level Individual (SLI) at isang food delivery driver mula sa Pangasinan.
Nasamsam mula kay alias “Jero” ang 25 gramo ng hinihinalang shabu, buy-bust money, isang sling bag, isang android mobile phone, isang caliber .45 na baril, at isang magazine na may walong (8) buhay na bala ng caliber .45 na baril.
Samantala, karagdagang 25 gramo ng hinihinalang shabu ang nakumpiska mula sa kanyang kasabwat.
Ang kabuuang timbang ng nakumpiskang ilegal na droga ay 50 gramo, na may estimated Standard Drug Price (SDP) na Php340,000 at iba pang non-drug evidence.
Pinuri naman ni PBGen Abrugena ang matagumpay na operasyon at ang dedikasyon ng mga operatiba sa paglaban sa ilegal na droga. Hindi papayagan ng SPD ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot at patuloy nilang isusulong ang kampanya laban sa mga drug offender upang mapanatili ang kaligtasan ng publiko.
Source: SPD PIO