Nasabat ng mga awtoridad ang droga at isang ilegal na baril mula sa isang negosyante sa Barangay Poblacion, Carmen, North Cotabato, bandang 10:40 ng gabi noong Marso 14, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Nestor M Maderse Jr, Hepe ng Carmen Municipal Police Station, ang naarestong suspek na si alyas “Toto”, 39 anyos, isang negosyante, may-asawa, at residente ng nasabing lugar.
Ayon kay PLtCol Maderse, isinilbi ang Search Warrant laban sa suspek katuwang ang mga tauhan ng 2nd Cotabato Provincial Mobile Force Company, Provincial Drug Enforcement Unit-Cotabato Police Provincial Offie, at PDEA 12.
Sa paghahalughog ng awtoridad, narekober sa loob ng tahanan ng suspek ang apat na piraso ng transparent plastic sachets na naglalaman ng pinaniniwalaang shabu at isang improvised caliber carbine pistol na walang serial number at isang bala.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act” at RA 10591 o “Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act”.
Patuloy na nagsasagawa ng mga operasyon ang mga awtoridad laban sa mga sangkot sa ilegal na droga at baril. Nanawagan ang PNP sa publiko na makipagtulungan sa mga operasyon ng pulisya upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad.