Binawi ang suporta at nagbalik-loob sa pamahalaan ang 10 tagasuporta ng Communist Terrorist Group (CTG) sa pamunuan ng 2nd Nueva Ecija Provincial Mobile Force Company sa Barangay Sinulatan, Guimba, Nueva Ecija nito lamang Biyernes, ika-14 ng Marso 2025.
Ang naturang pagbabalik-loob ay pinangunahan ni Police Lieutenant Colonel Warly C Bitog, Force Commander ng 2nd Nueva Ecija PMFC, kasama ang mga tauhan ng 303rd MC RMFB3, 84th IB 7ID PA, Guimba Municipal Police Station at opisyal ng naturang barangay.
Ayon kay PLtCol Bitog, ang mga sumuko ay mga miyembro ng Liga ng Manggagawang Bukid (LMB) sa ilalim ng Alyansang Manggagawang Bukid ng Gitnang Luzon (AMGL).
Nanumpa at lumagda rin ang CTG members ng Oath of Allegiance to the Government tanda ng pagtalikod nito sa komunistang grupo.
Samantala, kaugnay sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng pamahalaan, nakatanggap ng mga grocery packs ang mga nagbalik-loob.
Hinihikayat ng Nueva Ecija 2nd PMFC ang mga naturang kasapi at tagasuporta ng CPP-NPA-NDF na magbalik-loob sa ating pamahalaan at makiisa na labanan ang insurhensiya at tuldukan ang terorismo sa ating bansa.
Panulat ni Pat Marimar J Junio