Boluntaryong sumuko ang isang dating vice-squad leader ng Komunistang Teroristang Grupo sa tanggapan ng Ifugao Police Provincial Office sa Camp Col. Joaquin P Dunuan, Poblacion North, Lagawe, Ifugao bandang 4:30 ng hapon nito lamang ika-12 ng Marso 2025.
Kinilala ni Police Colonel Jeremias G Oyawon, Acting Provincial Director ng Ifugao PPO, ang sumuko bilang si “Ka Diway”, dating Vice Squad Leader ng Section Committee 1 sa ilalim ng Abraham Bannawagan Command ng Kilusang Larangang Guerilla Baggas at sangkot sa mga mararahas na aktibidad at propaganda sa rehiyon ng Cordillera mula 1995 hanggang 2017.
Ayon kay PCol Oyawon, ang nasabing indibidwal ay may nakabinbing Warrant of Arrest na inilabas noong Nobyembre 24, 2017, ng Regional Trial Court, Branch 14, Lagawe, Ifugao para sa iba’t ibang kaso ng pagpatay.
Ang matagumpay na pagsuko ay bunga nang puspusang pagsisikap ng Asipulo Municipal Police Station katuwang ang Provincial Intelligence Unit – Ifugao PPO, PIU – Kalinga PPO, 1st Maneuver Company, Regional Mobile Fore Battalion 15, 1st Ifugao Mobile Force Company, Regional Intelligence Division PRO-CAR, at ng CIDG Ifugao Field Unit.
Samantala, hinimok naman ni PCol Oyawon ang mga natitira pang miyembro ng CTG na sumuko sa pamahalaan dahil bukas ang tanggapan ng Ifugao PNP para sa mga gustong magbagong buhay at yakapin ang kapayapaan. Kanya ding hinihikayat ang bawat mamamayan na makipagtulungan sa Pambansang Pulisya sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan sa buong lalawigan ng Ifugao.
Panulat ni PMSg Ermilinda G Cacliong