Tinatayang nasa Php275,030 halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasamsam ng mga awtoridad sa dalawang indibidwal sa isang checkpoint sa Barangay Namnama, Koronadal City, South Cotabato bandang 5:00 ng umaga noong Marso 9, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Hoover T Antonio, Hepe ng Koronadal City Police Station, ang mga nahuling suspek na sina alyas “Ronald”, 35 anyos, may asawa, at residente ng Barangay San Isidro, Santo Niño, South Cotabato; at si alyas “Ron”, 33 anyos, may asawa, at residente ng Barangay Poblacion, Mlang, North Cotabato.


Naharang ang isang itim na kotse at sa pagsusuri ng sasakyan, natuklasan ang 300 reams ng Canon Menthol at 50 reams ng New Berlin Cigarettes, na may kabuuang halaga na Php275,030 na walang kaukulang dokumento, isang kalibre .45 na baril, mga bala, at ilang sachets ng hinihinalang shabu.
Nahaharap ang dalawa sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10863 (Customs Modernization Act), RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act), at Omnibus Election Code.
Patuloy na pinapalakas ng mga awtoridad ang operasyon laban sa mga iligal na gawain tulad ng pagpasok at pag-iingat ng mga kontrabandong produkto, mga ilegal na armas, at droga. Hinihikayat ang publiko na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa pulisya upang mapanatili ang kaligtasan at kaayusan sa komunidad.