Pumanaw na si dating Philippine National Police Chief Gen. Oscar Calderon sa edad na 73 nito lamang Marso 8, 2025.
Kasalukuyan itong nakaburol sa Heritage Park Chapels 9 and 10 sa Taguig City at nakatakdang dalhin sa Camp Crame sa March 14 para sa necrological rites. Samantala sa March 15 naman ang kanyang internment sa Heritage Park.
Si General Calderon ay itinalaga ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo bilang PNP Chief mula July 5, 2006 hanggang sa magretiro ito noong October 1, 2007.
Siya ay bahagi ng PMA Maagap Class of 1973, at naging director din ng Police Regional Office 3 at President ng Police Anti-Crime Emergency Response.
Matatandaang sa ilalim ng kanyang panunungkulan bilang PNP Chief, tinutukan ng PNP ang pagbuwag sa mga Political Armed Groups at ang pagpapaigting ng anti-street crime campaign sa buong bansa.
Binigyang priyoridad din niya ang pagkakaroon ng housing program para sa mga PNP personnel na walang maayos na tahanan.
Bukod pa rito, pinaigting din niya ang pagkakaroon ng PNP “honesty teams” bilang bahagi ng kanyang kampanya na magkaroon ng corruption-free police force, kung saan nagsasagawa ang mga tauhan mula sa PNP intelligence unit ng malayang imbestigasyon sa mga assets at liabilities ng mga suspetsadong police personnel.