Tuluyan nang nagbalik-loob sa pamahalaan at kusang-loob na sumuko ang isang rebelde na miyembro ng Communist Terrorist Group mula sa San Pascual, Masbate nito lamang ika-6 ng Marso 2025.
Kinilala ni Police Major Michael S Albania, Officer-In-Charge ng San Pascual MPS, ang sumuko na si alyas “Ka James”, 28-anyos, binata, mangingisda at miyembro ng lokal na komunistang grupo sa ilalim ng Jose Rapsing Command.
Ito ay naisakatuparan sa pagtutulungan ng Masbate PNP sa pangunguna ng San Pascual Municipal Police Station katuwang ang Provincial Intelligence Unit ng Masbate PPO at Masbate 2nd Provincial Mobile Force Company.
Ayon kay PMaj Albania, isinuko ng nasabing CTG member ang isang KG-9 submachine pistol, isang pirasong steel magazine at anim na bala ng parehong kalibre.

Ito ay bunga ng walang humpay na paglulunsad ng mga serye ng programa ng San Pascual PNP patungkol sa kampanya ng gobyerno laban sa terorismo na E.O.70 o National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa nasabing bayan.
Ang Masbate PNP ay patuloy sa pagsasagawa ng mga programa upang tuldukan ang problemang insurhensiya sa probinsya sa mapayapang pamamaraan.
Panulat ni PSSg Irene Honey Tria S Abad