Kalaboso ang dalawang suspek sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad at nasamsam ang Php3.4 milyong halaga ng shabu sa parking lot ng Gaisano Mall sa Barangay San Pedro, Pagadian City, Zamboanga del Sur nito lamang Marso 6, 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Roel C Rodolfo, Regional Director ng Police Regional Office 9, ang mga suspek na sina alyas “Jessie”, school supply distributor at alyas “Sanny”, 29, laborer, pawang residente ng Maramag, Bukidnon.
Naging matagumpay ang operasyon dahil sa pagsisikap ng mga tauhan ng PDEA RO-9 Regional Special Enforcement Team (RSET), Pagadian City Police Station, Zamboanga del Sur Provincial Drug Enforcement Unit, at Zamboanga del Sur Provincial Intelligence Unit.
Nasamsam sa naturang operasyon ang limang knot-tied transparent plastic packs na naglalaman ng 500 gramo ng hinihinalang shabu na may estimated market value na Php3,400,000, isang black box, gold tea pack labeled “Guanyinwang”, dalawang black plastic packs, brown paper bag, boodle money, dalawang mobile phones, black Toyota Fortuner, at iba’t ibang bank transaction records.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165, o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002” ang mga suspek.
Patuloy ang PNP at PDEA sa paglaban sa iligal na droga upang makamit ang isang payapa, maayos, at maunlad tungo sa isang Bagong Pilipinas.