Arestado ang isang lalaki matapos mahuling nagpupuslit ng hinihinalang smuggled na sigarilyo sa Barangay Tinitian, Roxas, Palawan nito lamang madaling araw ng Pebrero 25, 2025.
Kinilala ang suspek na si alyas Joey, 33 anyos, residente ng Barangay Sicsican, Puerto Princesa City.
Nahuli ang suspek ng mga operatiba ng CIDG Palawan Provincial Field Unit (PFU), habang sakay ng isang panel truck na walang plaka at nag-dedespose ng umano’y smuggled/imported cigarettes na walang kaukulang permit mula sa kinauukulang ahensya.
Sa operasyon, 100 kahon ng Fort cigarettes na may tinatayang halagang Php1.6 milyon ang nasabat mula sa suspek, pati na rin ang panel truck na ginamit sa transportasyon ng mga produkto.
Nahaharap ngayon si alyas Joey sa mga kasong paglabag sa Republic Act 10863 o ang “Customs Modernization and Tariff Act” at RA 10643 o ang “Graphic Health Warnings Law” sa mga produktong tabako.
Ang pagkakahuli sa suspek ay patunay ng pinaigting na kampanya ng gobyerno na panagutin ang mga taong lumalabag sa batas para sa isang ligtas at payapang komunidad.
Source: CIDG Palawan
Panulat ni Patrolwoman Ana Rose D Guadana