Pormal nang pinagtibay ng Philippine National Police (PNP) at Department of Agriculture (DA) ang kanilang partnership sa pamamagitan ng paglagda ng Memorandum of Understanding (MOU) at opisyal na paglulunsad ng KADIWA ng Pangulo (KNP) store sa loob ng Camp Crame nito lamang Pebrero 21, 2025.

Ginanap ang makasaysayang okasyon sa PNP Grandstand na dinaluhan ni Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ng Department of Agriculture bilang Guest of Honor at Speaker. Pinangunahan naman ni PNP Chief, Police General Rommel Francisco D. Marbil, ang delegasyon ng PNP sa programang ito na naglalayong magbigay ng abot-kayang pagkain para sa mga pulis at kanilang pamilya.
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni PGen Marbil ang kahalagahan ng pagpapalakas ng food security sa mga komunidad ng PNP. Nagpasalamat din siya sa DA sa pagsuporta sa mga uniformed personnel sa pamamagitan ng pagbibigay ng direktang access sa sariwa at murang agricultural products sa pamamagitan ng KADIWA store program. “Ang programang ito ay hindi lang tungkol sa abot-kayang pagkain kundi pati na rin sa kapakanan ng ating mga pulis at kanilang pamilya. Lubos kaming nagpapasalamat sa DA sa pakikipagtulungan upang mapalakas ang serbisyong ito,” aniya.

Patuloy namang sinusuportahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga inisyatiba na nakatuon sa food security at sustainability. Ang layunin ng kanyang administrasyon na magkaroon ng isang mas matatag at sapat sa sariling bansa ay tugma sa partnership ng PNP at DA, na nagsisigurong mananatiling abot-kaya at available ang mahahalagang produkto para sa mga lingkod-bayan.
Ipinahayag naman ni Secretary Tiu Laurel, Jr. ang importansya ng naturang kolaborasyon upang matiyak na de-kalidad na pagkain ang maibibigay sa mga tapat na lingkod-bayan sa PNP. Pinagtibay rin niya ang patuloy na suporta ng DA sa mga agricultural initiatives na hindi lamang makikinabang ang mga magsasaka kundi pati na rin ang mas malawak na komunidad, kasama ang mga alagad ng batas.

Kasama rin sa programa ang ribbon-cutting ceremony ng KADIWA store sa Eagle’s Nest sa loob ng Camp Crame, kasunod ang photo opportunity kasama ang mga pangunahing opisyal at stakeholders ng parehong ahensya. Inaasahan na palalawakin pa ang inisyatibang ito sa iba pang PNP camps sa buong bansa upang mas mapatatag ang commitment ng gobyerno sa food security at sustainability.
Source and Photo: PNP FB Page