Nagsampa ng reklamo si Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Chief Major General Nicolas Torre III laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-17 ng Pebrero 2025 dahil sa kanyang komentong “kill” tungkol sa mga senador sa isang political rally.
Matatag si PMGen Torre III sa kanyang paninindigan na ‘unlawful’ o labag sa batas ang mga sinabi ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Nagsampa siya ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ng inciting to sedition at unlawful utterances, mga paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code laban kay Duterte matapos magbiro sa kanyang talumpati noong proclamation rally ng Partido Demokratiko Pilipino Lakas ng Bayan (PDP Laban) noong Pebrero 13, 2025 sa The Club Filipino, San Juan City.
“Gusto niyang patayin ang 15 senador na gusto niyang bumbahin. So, ayan, naka-file na sa D.C. (Department Circular) 20, for case build-up na ang kaso na yan,” pagbibigay-diin ni CIDG Chief Torre.
“Puro na lang patay-patay. Natapos na ang six years niya wala naman nangyari. Magulo pa nga eh…unlawful utterances talaga yan. Hindi talaga lawful yan. Noon pa man wala lang pumapatol sa kanya dahil president pa siya noon. Ngayon, hindi na siya president. He must be reminded that he should know his place in the scheme of things,” dagdag pa ni PMGen Nicolas Torre III.
Samantala, dinipensahan naman ni dating chief president legal counsel Atty. Salvador “Sal” Panelo si dating presidente sabing, “yung sinabi ni presidente na ‘dami nila, patayin na lang natin ang labing lima.’ You know, obviously…as everybody views it, is a joke.”
“Ang biro ay biro. Anybody who considers that seriously is a fool,” dagdag ni Atty. Panelo.
Sa kabilang banda, binanggit ni PMGen Torre III sa isang panayam noong Pebrero 18 na ang mga reklamo ay puro law enforcement matters at walang kinalaman ang Malacañang sa nasabing pagsasampa ng mga reklamo.