Nakumpiska ang tinatayang Php6.8 milyong halaga ng hinihinalang shabu mula sa nahuling suspek na isang High Value Individual sa inilunsad na buy-bust operation ng pulisya sa Purok-3, Barangay Upper De Lapaz, Cortes, Bohol noong Pebrero 12, 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Joemar S Pomarejos, Chief ng Provincial Intelligence Unit/Provincial Drug Enforcement Unit, Bohol Police Provincial Office, ang suspek na si alyas “Jud,” 30 taong gulang, residente ng Purok 7, Sitio Tuog, Danahaw, Clarin, Bohol, at kasalukuyang nagtatrabaho bilang hauler sa isang Agrivet Company sa Tagbilaran City.
Dakong alas-9:24 ng gabi nang isagawa ng pinagsanib na pwersa ng PIU-PDEU, Cortes Municipal Police Station at RIU7-PIT, ang buy-bust operation na humantong sa pagkadakip ng suspek.
Nakuha mula sa suspek ang 12 pakete ng hinihinalang shabu na aabot sa 1000 gramo na may Standard Drug Price na Php6,800,000, isang Samsung cellphone, isang unit ng Suzuki Smash motorcycle, isang selecta ice cream box at back pack na ginamit bilang lagayan ng shabu, at buy-bust money.
Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Cortes Municipal Police Station ang naarestong suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang matagumpay na operasyong ito ay patunay ng patuloy na pagsusumikap ng mga kapulisan sa pagsugpo sa ilegal na droga upang mapanatili ang kaayusan at seguridad sa komunidad dahil sa Bagong Pilipinas, ang gusto ng Pulis, ligtas ka!
Source: BPPO SR