Arestado ang apat na High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng Php207,400 halaga ng shabu sa isinagawang drug buy-bust operation ng mga otoridad sa Purok 11, Barangay Tinagacan, General Santos City nito lamang Pebrero 12, 2025.
Kinilala ni Police Colonel Nicomedes P Olaivar Jr., City Director ng General Santos City Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Apple”, 32, residente ng Barangay Lagao, General Santos City; alyas “Brown”, 32; alyas “Mark”, 42; at alyas “Chester”, 42, pawang mga residente naman ng Barangay Apopong, General Santos City.
Dakong 12:50 ng hating gabi nang ikinasa ang naturang operasyon sa pangunguna ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) 12 kasama ang mga operatiba ng Regional Intelligence Division 12, Police Drug Enforcement Group 12, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) 12 Gensan, at General Santos City Station 8.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang pitong piraso ng transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 30.5 gramo na nasa Php207,400 ang halaga at buy-bust money.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Ang PNP ay mananatiling alerto upang mahuli ang mga taong sangkot sa ilegal na droga sa bansa at mapanatili ang maayos at ligtas na komunidad para sa isang Bagong Pilipinas.