Narekober ng mga operatiba ng Bacolod City Police Office-City Drug Enforcement Unit ang Php1,836,000 halaga ng shabu sa limang indibidwal sa drug buy-bust operation na isinagawa sa Purok Star Apple, Barangay 27, Bacolod City nito lamang ika-8 ng Pebrero 2025.
Kinilala ni Police Lieutenant Richard Legada, Assistant Chief ng City Drug Enforcement Unit, ang mga nahuling suspek na sina alyas “Jenica,” 28 taong gulang, itinuturing na isang High Value Individual; alyas “Rocky,” 32 taong gulang; alyas “Jingle,” 46 taong gulang; alyas “Terence,” 39 taong gulang; alyas “Kim,” 33 taong gulang; at si alyas “Marlon,” 39 taong gulang.
Narekober mula sa mga suspek ang humigit-kumulang 270 gramo ng pinaghihinalaang iligal na droga, na tinatayang may Standard Drug Price na Php1,836,000.
Ang mga nahuling suspek ay mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002”.
Inaasahan ang masusing imbestigasyon at karampatang aksyon upang matiyak na mapanagot ang mga suspek sa kanilang krimen at mapigilan ang paglaganap ng iligal na droga sa Bacolod City.
Ang matagumpay na operasyon ay patunay ng patuloy na pagtutok at pagsusumikap ng mga kapulisan sa Bacolod City upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan, at labanan ang anumang uri ng krimen, lalo na ang mga may kinalaman sa iligal na droga.
Source: PIO BCPO
Panulat ni Pat Glydel V Astrologo